Dahil may bagong blog na ‘ko…
August 26, 2012 § Leave a Comment
Matapos ang ilang buwan ding pagmumuni-muni, napagdesisyunan kong gumawa na ng blog kung saan magkasama kong ilalagay ang mga pampanitikan kong mga akda sa parehong Inggles at Filipino, na dati’y magkahiwalay (dito ang sa Inggles).
Sa gayon, mula ngayo’y lahat ng bago kong maisusulat at mapagdedesisyunang ilathala’y doon sa bagong blog ko na ilalagay.
Hindi ibig sabihin nito’y buburahin ko na ang WordPress na ito. Mananatili siyang sa akin, at naka-link na rin siya sa bagong WordPress nang makita ng mga bagong mambabasa ang mga luma kong akda.
Maraming salamat, mambabasa. Sana’y ipagpatuloy mo ang pagtangkilik sa aking mga gawa.
Di ko na patatagalin pa. Heto na ang aking bagong blog: lagimlim.
Cressening
August 17, 2012 § Leave a Comment
Kusang may umuusbong
sa mga patlang
nitong mga salitang
di natin masabi
sa isa’t isa:
nilalamon ang bawat patawad
pinapakain sa mga higad
ginagapangan ang mga halik
sinasakal ang mga titik
inuugatan ang bawat tugon
ibinabaon sa dahon
hanggang
sa
wala
na
tayong
masabi
kundi ang
mapabuntong-hininga
na lamang
Baha
August 13, 2012 § Leave a Comment
Nang umabot ang tubig sa ating mga tuhod,
saka natin naalala kung paanong lumuhod
Ngunit nalilimutan natin ito sa pagsapit ng tag-araw
pag wala na ang banta ng napipintong pagkalunod.
At ngayong gabi, habang ako’y di matulog-tulog
sa tunog ng napupuno nang kanal at alulod,
Naalala kong lumikas sa taas ng mga punong
ni minsa’y hindi nalimot, maging ngayong gabi,
kung paano yumukod.
Kunwari
July 9, 2012 § Leave a Comment
Dahil mahilig naman tayong magpanggap,
sumali ka sa bago kong laro: kunwari’y
hindi kita kinausap noong mag-isa kang
nakaupo sa likod ng klase, kunwari nama’y
hindi mo ako kinausap pabalik; kunwari’y
hindi nagpang-abot ang ating mga palad,
ni naghawak ang dulo ng mga daliri natin;
kunwari’y walang kahulugan ang bawat
halik – o kunwari’y, walang halikang naganap,
at kunwari’y di tayo nagkahawakan kailanman,
magkukunwari kang hindi pamilyado
sa katawan ko, at magkunwari rin akong
estranghero sa iyo. Para kunwari’y
di ako nasaktan, at kunwari’y nasaktan ka.
Kunwari’y hindi nagbanggaan ang ating
mga mata nang nagkasalubong tayo sa
kalsada, o kunwari na lang ay hindi tayo
nagkasalubong; kunwari’y ibang daan ang
nilakad mo: sa kabilang dako ng kalye ka
nagliwaliw, at kung sakali mang makita mo akong
naglalakad nang mag-isa sa kabila; kunwari’y
may kasama ako: piliin mong huwag akong
tawagin, dahil kunwari’y nakakahiyang sumigaw
mula sa malayo, kunwari’y ayaw mong bulabugin
ang kasama ko, o kunwari’y hindi mo alam
ang aking pangalan at hindi ko kunwari alam
ang sa iyo, dahil sa lahat-lahat ng nangyari,
dito tayo magaling: ang magkunwaring
walang nangyari.
Swan Song at Dawn
June 20, 2012 § Leave a Comment
Wari niya’y isang konduktor
sa kaniyang huling konsyerto:
ikinumpas niya ang iyong kamay
sa pinakaunang pagkakataon
makalipas ang limang taon nitong
pagkakalupaypay sa gilid ng kaniyang
naninilaw at umiingit nang kutson,
at sabay-sabay na gumalaw ang lahat.
Namuo ang mga salitang
matagal na niyang kinimkim
sa natutuyong mga labi, animo’y
isang duklay ng damong
uhaw sa hamog na iniipon nito
sa mumunti niyang mga talim.
Inawit ng mga pipit sa durungawan
ng kaniyang maliit na silid
ang isang awiting kaytagal na niyang
ninais na maitanghal sa sansinukob.
Ginising ng umagang habagat
ang bawat nahihimlay na nilalang
sa mga kabukira’t kakahuyan:
mga entablado ng nakaraang
tanging sa gunita na lamang niya
muling mababalikan.
Umiinog sa kaniyang puso
ang sanlaksang batis, dumadaing
na makauwi na sa karagatan.
Nangingilid na ang kadiliman
sa lumalahong itim ng mga balintataw;
palubog na ang bilugang buwan
sa namamasa niyang mga mata:
“Nagapi na ang gabi.”
ang tahimik niyang proklamasyon.
At payapa siyang nahimlay
sa lilim ng bukang-liwayway.
Capricorn
June 5, 2012 § Leave a Comment
Huwag mong pagtakhan
kung papaanong dapat tignan
o pangalanan itong mga bagay
na walang pinanggalingan
ni walang pinananahanan
maliban sa kalawakan.
Alin sa dalawa, kambing o isda
ay hindi na rin mahalaga.
Sa kabuuan ng lahat ng ito,
ang tao ay walang pinagkaiba
sa isang pigtal na katha.
Kung Sa Pangangarap Lang Din
May 22, 2012 § 3 Comments
Mas gugustuhin ko pang magdurog
ng nalagas na dahon sa aking mga paa
kaysa magbilang ng mga patubo pa lamang.